Ayoko Na Munang Mag-Ingles

Monday, September 15, 2008


Mananagalog muna ko sa post ko na ito. Para sa kaibahan ng mga post ko sa araw-araw- Tsaka na ako iingles ulit pag okey na ako at bumalik na sarili kong katinuan at hinuha. Pag wala ng galit sa puso ko para sa mga taong walang alam gawin kundi manira ng kapwa, makipagtsismisan at tumingin sa dungis ng iba gayong may sarili silang dungis na dapat linisin, Pinakamasama pa nito, mas di hamak madungis ang pagmumukha nila kaysa sa tinitira nila. Tigilan na ang pagiging malungkutin. Ibabahagi ko na lamang ang mga kalokohan ko sa buong mundo ng blog....


Mga gawain, katangian, ugali na sumasagisag sa pagka-ewan ko o pagkaloka-loka ko...


Mahilig talaga kong kumain ng nakataas ang paa. Wala akong pakialam sa sasabihin ng iba. Minsan kahit nasa restaurant, kahit magara pa yan, kever. Minsan pati sa clasroom habang nagdidiscuss, ginagawa ko rin yan. Yun nga lang naka-cross leg ako. Kahit sa trabaho nakataas pa rin paa ko na parang nasa bahay lang ako. Komportable ako eh, ano ba paki niyo. Imagine na lang pag nandito lang ako sa bahay, petiks mode!

Paborito ko ang kumain sa gabi. Mga tipong alas-dos o alas-tres. Alam kong may sayad na yung sikmura ko dahil pag ganyang oras lagi akong tinatamaan ng gutom. Syempre, dahil sa trabaho na pang-gabi, wala na akong alam gawin kundi ang kumain ng kumain ng manatiling gising ang ulirat ko. At dahil, wala namang matinong restaurant na bukas ng dis-oras ng gabi kaya wala na akong magagawa kundi piliting ngatain ang mga nakakasuka ng pagkain sa pantry namin, sa DEC o sa McDo.


Pag nasa skul ako nakakalimutan kong kumain. Minsan naman talagang tinatamad lang ako lumakbay sa kung saan at lalo na ang maglakad sa mala-impyernong kakalsadahan ng Pasay! Pakiramdam ko pinaplantsa yung damit ko habang naglalakad ako. Kaya lagi akong may dalang tubig or kahit ano basta pwedeng laklakin. Gatorade at kape lang pala. Forever karamay ko yang dalawa na yan.

Pag super init na init na ko, binubuksan ko yung freezer namin at tinatapat ko ang mukha ko dun. Refreshing. Sarap sa pakiramdam. Wag kayong magalala, tinitiyak kong malinis ang fridge pag ginagawa ko ito at madalas namang malinis. Hindi ata sapat ang air-con ngayon sa klima ng Pinas.

Sa hindi ko mawaring dahilan, mahilig akong makipag-usap sa sarili ko kapag nag-iisa ako, sa kwarto man o sa washroom. Kever. Wala akong pakialam. Bata pa ako ugali ko na yan. Parang paraan ko ng pagmumuni-muni sa mga naging at magiging desisyon ko pa sa buhay.

Mahilig akong mag dispose ng gamit kapag nabahiran na ng masamang kaganapan. Pwamis. Kahit cellphone pinapalitan ko o kahit ano pang makakapagpa-alala sa masamang pangyayari o tao na sumira ng mala-langit kong mundo. Basta pag uusad, usad talaga. Tanggalin lahat ng bakas ng nakaraan. At pag natanggal na, wala ng balikan pa. Ganun ka-simple. Dapat pa bang gawing kumplikado ang mga bagay-bagay.

Gusto ko ng Macademia Nuts! Kahapon pa!

Pasaway ako ng hindi sinasadya. Hindi ako proud dyan pero yun ako. At walang taong pwedeng makapagpabago ng nakasanayan ko na. Sawa na akong magpabago at sa bandang dulo, wala rin namang kahihinatnan. Tama na. Itigil na ang kabaliwang iyan. Sapat na ang minsan.


Yun lang. Wag na natin ibuko lahat ng ka-weirduhan ko. Baka mawalan ako ng kaibigan :D